☆ Sa Tagalog

Paano Makikilala ang Diyos

May kulang ba sa buhay mo? Naiisip mo ba kung minsan kung ano ang “kakulangan” na iyon?

Mayroong kamalayang ipinagkaloob ang Diyos sa bawat puso ng tao na may “isang bagay na higit pa” sa buhay kaysa sa nakikita at nararanasan natin sa lumilipas na mundong ito.

Ang pinalawak na translasyon ng Eclesiastes 3:11 ay nagsasabi sa atin na “Ang Diyos ay nagtanim ng kawalang-hanggan, isang puro at banal na adhikain sa puso ng tao, isang misteryoso at matinding pananabik na walang sinuman sa mundong ito ang makapagbibigay tugon o makapagpupuno maliban sa Diyos…”

Ano ang kailangan natin upang mahanap at makilala ang Diyos? Naghahanap ba tayo ng ilang uri ng espirituwal na karanasan? Ibigay ang ating oras at pera sa mga organisasyong pangkawanggawa? Maging “mabuting tao” para tanggapin tayo ng Diyos?

HINDI! Wala kang maitutulong sa iyong sarili para punan ang kakulangang ito. Nilikha ng Diyos ang pananabik para sa kawalang-hanggan sa ating mga puso, at Siya lamang ang makapagpupuno sa ating pagkauhaw at sa kahungkagan ng ating kalooban.

Kaibigan, hinihiling ko sa iyo na buksan mo ang iyong isip at puso sa Kanya ngayon din. Kapag ito ay iyong ginawa, ibibigay Niya sa iyo ang mga kasagutan na iyong hinihintay.

MAHAL KA NG DIYOS!

Nilikha ka niya at alam niya ang lahat tungkol sa iyo. Mahal na mahal ka Niya at gusto Niyang makilala mo Siya, at makasama Siya ng walang hanggan.

Sinabi ni Hesus, “Sapagka’t gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16)

Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay naparito sa mundong Kanyang nilikha, upang ang bawat isa sa atin ay makilala ang Diyos sa personal na paraan.

Ano ang pumipigil sa atin upang kilalanin ang Diyos?

ANG KASALANAN ANG NAGHIHIWALAY SA ATIN SA DIYOS

Lahat tayo ay nagkasala, at ang ating kasalanan ang naghiwalay sa atin sa Diyos. Sa kaibuturan ng ating mga puso, nararamdaman natin ang paghihiwalay na iyon. Ang ating saloobin sa Diyos ay maaaring isang aktibong paghihimagsik, o isa sa walang pakialam na pagwawalang-bahala sa Kanya, ngunit ito ay katibayan lamang ng tinatawag ng Bibliya na kasalanan. (Roma 3:23)

Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan. Ngunit ang ating mga kasalanan ay humahadlang sa pagitan natin at ng Diyos, at ito ang nagbubukod o naghihiwalay sa atin mula sa Kanya. Ang pagkakahiwalay natin mula sa buhay ng Diyos ay espirituwal na kamatayan.
(Roma 6:23)

Ito ang ginawa ng Diyos para sa atin…

KINUHA NI HESUS ​​ANG ATING KAMATAYAN AT BINIGAY SA ATIN ANG KANYANG BUHAY

Si Hesukristo, ang walang bahid ng anumang kasalanang Anak ng Diyos, ay naging kaisa natin. Tinubos Niya ang lahat ng ating mga kasalanan, at binayaran ang lahat ng mga ito sa krus. Namatay si Hesus, at nawalay sa Kanyang Ama ng dahil sa  ating mga kasalanan. Dahil dito, nabuwag Niya ang lahat ng hadlang na namamagitan sa atin at ng Diyos. (Roma 5:8)

Si Hesus ay hindi lamang namatay para sa atin, ngunit pisikal na nabuhay pagkaraan ng tatlong araw. Siya ngayon ay naghahandog sa atin ng Kanyang bagong buhay, isang buhay na malaya mula sa pagkakasala at espirituwal na kamatayan, at isang tapat at tamang relasyon sa Diyos bilang ating Ama. (2 Corinto 5:21)

Hinding-hindi natin mabubuwag ang kasalanan at espiritwal na kamatayan na nagbubukod sa atin sa Diyos ng tayo lamang. Sinabi ni Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6)

Ngayon ay inaanyayahan Niya tayo na lumapit sa Kanya nang may pananampalataya at inumin ang buhay na walang hanggan. Nangangako Siya na pupunan ang “pananabik sa kawalang hanggan” sa loob natin.

“Kung sinuman ang nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinabi ng Kasulatan, mula sa kanyang puso ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay.” (Juan 7:37, 38)

TATANGGAPIN NATIN ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN KUNG TAYO AY MANANAMPALATAYA SA KANYA

Ang kasalanan at espiritwal na kamatayan ay nabuwag na, ngunit dapat nating personal na tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya ang ginawa ni Hesus para sa atin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas at Panginoon.

“Ang lahat ng tumanggap sa Kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sila na mga sumasampalataya sa Kanyang pangalan.” (Juan 1:12)

Paano natin Siya tatanggapin? Paano natin gagawin ang unang hakbang ng pananampalataya sa Kanya patungo sa buhay na walang hanggan?

“Kung ipahahayag mo ng iyong bibig ang Panginoong Jesus, at mananampalataya ka sa iyong puso na binuhay Siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka.”
(Roma 10:9)

Ang eksaktong pananalita na ginagamit mo upang italaga ang iyong sarili sa Panginoon ay hindi mahalaga. Ikaw ay lumalapit sa iyong Amang-langit na may simpleng pananampalatayang parang bata, na nagpapahayag ng iyong pagmamahal at debosyon sa Kanya mula sa iyong puso. Maaari mong dasalin ang tulad ng nasa ibaba o manalangin mula sa iyong sariling mga salita.

“Hesus, gusto kitang kilalanin. Salamat sa pagkamatay mo sa krus para sa akin na naging daan upang mapalapit ako sa Ama, at  matanggap ang Kanyang kapatawaran at awa. Ipinapahayag ko na ikaw ang aking Tagapagligtas at ang aking Panginoon. Inaanyayahan kita na pumasok sa aking buhay ngayon sa pamamagitan ng iyong Banal na Espiritu. Naligtas ako! Ako ay ipinanganak na muli! At tinatanggap ko ang buhay na walang hanggan na iniaalok mo sa akin. Mabubuhay ako sa aking panibagong buhay na kaisa Ka. Ako ay iyo  magpakailanman simula ngayon.”

AT NGAYON ALAM MO NA!

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo’y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili;
(Efeso 2:4-8, Magandang Balita Bible)

**********************************************

Maligayang pagdating sa Pamilya ng Diyos!

Ang Diyos ay may napakagandang plano para sa iyong buhay, puno ng Kanyang pag-ibig, kagalakan at kapayapaan!

Sigurado akong sabik kang malaman kung ano ang susunod na mangyayari para sa iyo, ng dahil sa iyong paunang hakbang ng pananampalataya sa Panginoon.

Upang malaman, pumunta sa ibaba ng pahina sa seksyong pinamagatang “SUSUNOD NA HAKBANG”.

Pagpalain ka nawa ng Diyos at ingatan ka palagi!

*************************************************

Sunod na mga Hakbang

Ngayong naipanganak ka na muli, oras na para bumangon ka at kumilos! Mayroon kang tungkulin at komisyon mula kay Kristo, ang iyong Kumander, na abutin ang iyong mundo gamit ang parehong mensahe ng ebanghelyo na lubos na nagpabago sa iyong buhay. (Marcos 16:15-18)

Habang pupunta ka, kailangan mong patuloy na lumago! Hindi mo kakayaning ibahagi ang ebanghelyo, pagalingin ang maysakit, at palayasin ang mga demonyo kung ikaw ay mahina at natatakot. Isagawa ang apat na mahahalagang prinsipyo sa ibaba, at ikaw ay magiging mas malakas at mas matagumpay araw-araw bilang isang disipulo. Ikaw ay isang sundalo para kay Kristo ngayon! Ikaw ay isang tagapagpabago ng mundo! Handa ka na ba? Nakatakda ka na ba? Tara na!

HAYAAN MO ANG DIYOS NA KAUSAPIN KA
Ang pangunahing paraan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa iyo ay sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ito rin ang paraan kung saan ipapakita Niya ang Kanyang sarili sa iyo. Kung mas marami ang Salita ng Diyos sa iyong kalooban, mas magiging makapangyarihan at produktibo ka sa iyong buhay Kristiyano. Sinasabi ng Hebreo 4:12, “Sapagkat ang Salita na sinasalita ng Diyos ay buhay, at puspos ng kapangyarihan, na ginagawa itong aktibo, kumikilos, nagbibigay lakas at mabisa.”

Ang Salita ng Diyos ay Nagpapalusog sa Iyo

1 Pedro 2:2 – Tulad ng mga bagong silang na sanggol, hangarin ninyo ang purong gatas ng Salita, upang kayo’y lumago sa pamamagitan nito.

Matthew 4:4, Amplified – Ang tao ay hindi mabubuhay at maitataguyod sa pamamagitan ng tinapay lamang, kundi sa bawat Salita na lumalabas sa bibig ng Diyos.

Binabago Ka ng Salita ng Diyos

Roma 12:2 – At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito, kundi maging iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang mapatunayan ninyo kung ano ang mabuti at kaaya-aya at sakdal na kalooban ng Diyos.

Ang iyong kaluluwa (isip, kalooban, emosyon) ay nababago (sa literal, nakararanas ng metamorphosis) habang ikaw ay nagninilay-nilay sa Salita ng Diyos, na nagpapahintulot sa Banal na Espiritu na palayain ang kapangyarihan ng Diyos sa kalooban mo, na makapagpapabago ng iyong buhay.

Ang Salita ng Diyos ay Nakapagpapatatag ng Iyong Pananampalataya

Roma 10:17 – Kaya’t ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.

Nakatagpo at nakilala ni Hesus ang mga taong “walang pananampalataya”, “may kaunting pananampalataya”, at “may dakilang pananampalataya”. Ang antas ng iyong pananampalataya ay nasa iyo. Kapag mas itinatanim mo ang Salita ng Diyos sa iyong puso, mas lalakas ang iyong pananampalataya, at mas makikita mo ang kapangyarihan ng Diyos!

Sinasanay at Pinalalakas Ka ng Salita ng Diyos

2 Timoteo 3:16 – Ang lahat ng mga kasulatan ay ibinigay sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap at lubusang handa sa bawat mabubuting gawa.

MAKIPAG-USAP SA DIYOS
Nais ng Diyos na makipag-usap sa iyo araw-araw. Gusto niyang makipag-usap sa iyo nang personal. Makikipag-usap siya sa iyo sa pamamagitan ng kaniyang Salita, at siya’y matiyagang makikinig at may habag habang ikaw ay nakikipag-usap sa kaniya sa panalangin.

Sa simula, maaring ikaw ay mag-aalinlangang makipag-usap sa Kanya, o baka hindi mo alam kung ano ang sasabihin mo sa Kanya. Alalahanin lamang kung sino Siya… ang inyong mapagmahal na Ama sa langit.

Ang isang mabuting panimula ay sa pamamagitan ng pagtaas ng iyong mga kamay sa Kanya at magpasalamat sa Kanya sa pagmamahal, sa awa at kabutihan na ipinakita Niya sa iyo sa pamamagitan ni Hesus. Isipin mo ito: Ibinigay ng Diyos sa iyo ang pinakamahalagang regalo Niya (ang Kanyang bugtong na Anak). Maaari kang lubos na magtiwala na malaya at galante Niyang ibibigay ang lahat at anumang pangangailangan mo. (Roma 8:32)

Ngayon, ipahayag ang iyong pag-ibig sa iyong Amang Diyos. Sabihin mo sa Kanya kung gaano kasarap sa pakiramdam ang makipag-usap sa Kanya at lumakad kasama Siya, lalo na at alam mong Siya ay laging malapit sa iyo gaya ng hangin na iyong hinihinga. Sabihin mo sa Kanya na ikaw ay nagpapasalamat na hindi ka Niya iiwan kailanman, ni pababayaan (Hebreo 13:5) at lagi mo Siyang mamahalin at pagkakatiwalaan. Ang ganiyong pagpupuri at pagsamba sa Kanya ay magpatatag ng isang matalik at puso sa puso na relasyon sa iyong Ama.

Isang babala lamang: Huwag hayaan ang anumang bagay na makahadlang o makasira sa ugnayan na ito!

Kasalanan? Kilalanin at iwanan ito
(1 Juan 1:9)

Di-pagpapatawad? Makipagkasundo (Marcos 11:25)

Pag-aalinlangan? Dagdagan ang antas ng iyong pananampalataya (Roma 10:17)

Filipos 4:6-7
Huwag kayong mag-alala tungkol sa anuman; sa halip, manalangin kayo tungkol sa lahat ng bagay. Sabihin sa Diyos ang kailangan mo, at pasalamatan Siya sa lahat ng Kanyang ginawa. Kung gayon, makakaramdam ka ng kapayapaan ng Diyos, na higit sa anumang kaya nating intindihan natin. At ang kapayapaan ng Diyos ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga pag-iisip habang kayo ay nabubuhay kay Hesukristo.

1 Juan 5:14-15
Mayroon tayong katiyakan sa pagharap sa Kaniya, na kung tayo’y humiling ng anuman ayon sa kaniyang kalooban, ay didinggin niya tayo. At kung alam natin na pinapakinggan niya tayo, anuman ang ating hilingin, nakatitiyak tayong matatangap natin ang anumang hilingin natin sa Kanya.

MAKIPAG-UGNAYAN SA MGA TAO NG DIYOS
Nang kayo’y ipanganak-muli, kayo’y naging isang espiritu kasama ng Panginoon, at naging bahagi ng katawan ni Kristo, na kilala rin bilang Simbahan. Ngayon, panahon na upang hanapin ang inyong lugar, at magsimulang magtrabaho sa isang lokal na kongregasyon ng simbahan, bilang bahagi ng kabuuan.

Habang sinisimulan mong mahalin at paglingkuran ang iyong mga kapatid na lalaki at babae kay Kristo, makakatanggap ka ng tulong, patnubay, pampatibay-loob, suporta, pag-ibig, at lakas na kailangan mo sa komunidad ng mga mananampalataya na kung saan ikaw ay konektado at nakatuon.

Isipin mo ito sa ganitong paraan: Ang isang mainit na baga sa isang palayok ay mabilis na manlalamig at mamamatay kung ito’y inilagay sa gilid na hiwalay sa iba pang mga baga. Subalit kung ito’y ilalagay sa isang bunton na malapit sa iba, ito’y mas magliliyab, mas tatagal at mananatili ang init nito. 

Hebreo 10:25, Passion Translation
Hindi ito ang panahon para lumayo, at pabayaang mawala ang pagtitipon-tipon o pagsasama-sama gaya ng kinaugalian ng iba. Sa katunayan, dapat nga na tayo’y magtipon nang mas madalas, sabik na manghikayat sa isa’t isa na magpatuloy,
lalo’t nalalapit na ang inaasam-asam natin pagbubukang-liwayway ng araw ng Panginoon.

TUMULONG NA MAPALAPIT ANG MGA TAO SA DIYOS
Dadalhin ka ng Diyos sa isang paglalakbay. Una, tinanggap mo ang libreng kaloob ng Diyos na kaligtasan. Ngayon, ikaw ay lumalaki bilang Kanyang anak, na binubuhay ng Kanyang Salita, at lumalakas sa pananampalataya araw-araw. Ikaw ay may lumalalim na pag-ibig sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, papuri at pagsamba. At ikaw ay konektado sa iyong komunidad ng simbahan sa pamamagitan ng iyong pangako at paglilingkod.

Panghuli, bilang alagad ni Hesus, ikaw ay tinawag at pinahintulutan na hikayatin ang iba, yaong mga nasa kawalan pa rin at lumalakad sa kasalanan at espirituwal na kamatayan. Ano ang susnunod mong hakbang?

Magpabinyag sa Tubig
Ang simpleng gawain na ito ay nagpapahayag ng iyong bagong buhay kay Kristo, at ang iyong walang-katapusang pangako sa Kanya. Ito ay isang patotoo sa mga pinakamalapit sa iyong pamilya, mga kaibigan, mga katrabaho, at mga kapitbahay  sa mga ginawa ng Diyos sa iyong buhay.
(Roma 6:3-4)

Maging Puno ng Espiritu ng Diyos
Humingi sa Panginoon para sa pangako ng Kanyang Espiritu, na pumupuno sa iyo ng Kanyang presensya, at nagbibigay sa iyo ng kapangyarihan na maging saksi Niya. (Gawa 1:8)

Umibig Tulad ng Pag-ibig ni Hesus
Maghayag at ipakita ang kabutihan at awa ng Diyos sa mga nakapaligid sa iyo.
(Mateo 10:7-8)

Bilang isang bagong Kristiyano, baka hindi mo alam kung alin ang unang aklat sa Bibliya… ang Genesis o ang Apocalipsis. Hindi ito mahalaga sa puntong ito, dahil mayroon ka na ng isang bagay na nakakaakit na maaaring gamitin ng Banal na Espiritu upang dalhin ang iba kay Kristo.

Ang makapangyarihang kasangkapan na iyan ay ang iyong patotoo, na sa madaling salita ay ang pagbabahagi ng ginawa ni Hesus para sa iyo. (Apocalipsis 12:10-11)

Kapag ibinabahagi mo ang kuwento ng iyong makapagpabagong-buhay na pakikipagtagpo kay Hesus, maaari nitong matunaw kahit na ang pinakamatigas na mga puso:

“Ako’y bulag, ngunit ngayon ako’y nakakakita!”

“Ako’y nakatali, ngunit ngayon ako’y malaya!”

“Ako ay nawala, ngunit ngayon ako ay natagpuan!”

“Namatay ako sa espirituwal, pero ngayon ay buháy na ako!”

Ang inyong patotoo ay kapani-paniwala sa pagsasabi nito, kaya ibahagi ito! Kapag itinaas mo Siya sa iyong kuwento ng buhay, naaakit Niya ang mga tao kung nasaan pa man patungo sa Kaniyang sarili. (Juan 12:32)

Mahal ka ng Diyos-Ama at lubha Siyang  nasisiyahan sa iyo! Ikaw ang nagpapasaya sa Kanyang puso! Ang iyong kaligtasan at katapatan ay nagdulot ng pagdiriwang ng mga anghel sa harap ng trono ng Diyos! (Lucas 15:10)

Maging pinagpala sa iyong paglalakad kasama Niya ngayon!